Related Article: 13 Random things you can enjoy in Tabuk City, Kalinga
Ang tuwang aming naramdaman ay lalong sumidhi ng makita namin ang napakagandang tanawin na ngayon lang namin nasilayan - ang malahiganteng nagluluntiang mga bulubundukin na muling nagpaalala saamin kung gaano kaganda ang Pilipinas.
Ilang minuto mula dito ay bumaba kami sa "puting kalabaw" sa tapat ng St. Williams Cathedral. Ito ang siyang bilin saamin ng aming kaibigang si Kuya Nelson. Ito ang palatandaan na nasa Tabuk City na kami.
The Naneng Herritage Village
Padilim na noong kami ay tumungo dito. Sa pagdating namin ay una naming napansin ang mga nitso sa mga tabi ng daanan. Isang tradisyon daw iyon sakanila na ilibing ang patay sa sariling lupa. Sa katunayan, may makikita ka ring mga nitso na katabi lamang ng kanilang mga bahay. Kakaibang tradisyon nga ito.
Ang Naneng Village ay itinayo pa noong 1920's na nagmula ang pangalan sa salitang "naneng" na nagangahulugan ng "delubyo" o pagbaha dahil sa pagapaw ng ilog ng Chico na matatagpuan lamang sa tabi nito. Makikita dito ang mga bahay na yari sa kahoy ng narra, yamban at dao. Sa ngayon, may kalumaan na ang mga bahay ngunit makikitang matibay pa rin ito sa kanilang kinatatayuan.
Pagkarating namin dito ay una naming dinalaw ang dating bahay nina Kuya Nelson. Ipinakita niya saamin ang bahay na kung saan siya lumaki. Pagkatapos nito ay nag-ikot pa kami upang makita pa ang ibang mga kabahayan dito. Halos lahat ng bahay ay matataas at binubuo ng dalawang palapag. Sa ibaba ay matatagpuan ang sala at kusina. Sa itaas naman ay ang maluluwag na kwarto. Mapapansin na payak lamang ang istilo at disenyo ng mga bahay at hugis kwadrado lamang ang mga ito. Sinasabing ang mga bahay na ito ay itinayo pa noong 1920's.
Nagma-ala din kami Richard Gutierrez kami nang maanyayahan kami sa bahay na mismong binisita niya noong pumunta ang Pinoy Adventures dito. Nakilala namin ang ilan sa mga tao dito na pumapabilang sa tribo ng Naneng.
Handa na ang hapag. Dito namin unang natikman ang isang native food ng Kalinga, ang "pinikpikan." Ito ay pagkain mula sa manok na binubugbog muna sa pamamagitan ng pagpalo dito ng patpat bago lutuin. Tinatanggalan ito ng balahibo at sinusunog ang balat upang maalis ang mga natirang balihabo. Ang mga paraan daw na ito ay mas nagbibigay ng lasa sa putahe.
Sa aming pagsasalu-salo sa isang simple ngunit masayang hapunan, naramdaman namin ang init ng kanilang pagtanggap sa amin. Lingid sa kanilang kaalaman kung gaano kasaya at kaimportante saamin ang panahon na magkakasama kami sa iisang hapag.
Namasyal din kami sa isang lumang simbahan na matatagpuan sa Naneng Village. Ito ang St Joseph Parish, ang pinakalumang simbahan sa buong Kalinga. Nadatnan namin ang ilang kabataan na nag-iinsayo ng mga kantang pansimbahan.
Ayon dito, ang simbahang ito ay nabuo sa taon ng 1930 sa mamumuno ni Fr. Leon Lindermans. Ipinagpatuloy ni Rev. Miguel Veys ang pamumuno noong nasawi si Rev. Lindermans. Sa ngayon, matatagpuan ang kanilang mga puntod malapit sa simbahan.
Sa isang bahagi ng Naneng ay may naitatagong isang natural spring. Ito ay isang mahalagang kayamanan sakanila dahil isa ito sa pinagkukuhanan nila ng tubig. Sa linis nito ay maaaring inumin ang tubig dito. Maging kami rin ay sumubok sa pag-inom nito. Dito rin sila naliligo dahil presko ang tubig dito.