Mula sa Baguio City, sumakay kami ng GL Trans patungo sa Tabuk City. Medyo may kalayuan pala ang biyahe namin. Doon na namin napag-alaman na masmabilis pala ang byahe kung nagmula kami sa Manila patungo sa Tabuk. Okey lang naman. Biglaan lang din kasi ang aming desisyon na magtungo dito. Nang oras na iyon, wala kaming kaalam-alam sa lugar na aming patutunguhan.
Bumaba kami sa "puting kalabaw" sa tapat ng St. Williams Cathedral na siyang bilin saamin ni Kuya Nelson. Ito ang palatandaan na nasa Tabuk City ka na. Ngunit, bago kami mapadpad sa aming destinasyon ay sinalubong kami ng napakagandang tanawin na ngayon lang namin nasilayan - ang malahiganteng nagluluntiang mga bulubundukin na muling nagpaalala saamin kung gaano kaganda ang Pilipinas. sa oras na iyon, kakaiba ang aming ngiti dahil sa sayang nadarama. "May ganito pa pala sa Pilipinas!"
Hindi mahirap libutin ang Tabuk City. Maaari kang mamasyal sa tulong ng mga pampublikong sasakayan tulad ng tricycle, jeep at bus. Nakakatuwang isipin na sa loob ng tatlong araw naming pananatili sa Tabuk City ay naikot namin ito ng walang itinerary o plano kung saan pupunta. Hinayaan na lang naming maligaw kami o mapadpad kung saan-saan sa pamamagitan ng pagtatanongtanong lamang sa mga tao dito. At ito ang gusto naming ibahagi sainyo, ang aming labintatlong "hindi pinagplanuhang bagay" na ginawa namin dito.
1. Sojourning at Naneng's Heritage Village
Sa unang araw namin sa Tabuk City ay unang binisita namin ang Naneng's Heritage Village. Ito ay may layong 15-30 minutes mula sa city proper. Nakilala namin ang ilan sa mga tribong naninirahan dito. Sa katunayan, inanyayahan pa kaming sumalo sakanilang hapunan na kung saan namin unang natikman ang pagkaing "pinikpikan." Ang Naneng's Heritage Village ay itinayo pa noong 1920's at ngayon ay kinikilala hindi lang bilang pasyalan kundi isang lugar nagsasagisag ng kultura ng Kalinga.
Saan mang bahagi ka ng Kalinga ay matatanaw mo ang kahabaan ng Chico River. Nakilala ang Chico River dahil sa laki nito at kisig ng mga along dumadaloy dito. Hindi lang ito isang magandang tanawin sa mga tao kundi isang sinasadyang lugar ng mga mahihilig sa extreme sports tulad ng white water rafting. Higit sa lahat, ang ilog na ito ay napakahalaga sa mga taga-Kalinga dahil ito ang pangunahing pinagmumulan ng kuryente sa lugar.
Maging sa Tabuk City ay makikita ang mumunting rice terraces na isang atraksyon para sa mga tao. Dahil pagsasaka ang isa sa mga pangunahing hanap buhay, napapalibutan ang Tabuk City ng malalawakan na bukirin na nagmimistulang kulay ginto dahil sa mga palay na nakatanim. Ngunit kung nais nyong masilayan ang totoong ganda ng rice teraaces, dapat ninyong bistahin ang karatig pook na kung tawagin ay Lubuagan.
Hindi namin maitatanggi ang init ng pagtanggap saamin ng mga tao dito - mula sa mga tricycle drivers na naghahatid saaming patutunguhan, sa mga staffs ng hotel na araw araw kaming kinukumusta at maging sa mga tindera sa kalsada ay nananatili ang ngiti sa kanilang mga mukha. Hindi mahirap makipagkaibigan dito dahil sila ang kusang bumabati sainyo. Sila rin ang mga taong gumagabay saaming paglalakbay at nagbibigay impormasyon sa mga lugar na aming dapat bisitahin.
Sa lamig ng panahon sa Tabuk City, napakasarap humigop ng mainit na kape sa tuwing babangon ka sa umaga. Dahil isa ito sa pangunahing produkto nila ay halos makikita mo ang kape sa paligid. Kilala rin ang lugar na ito bilang pangunahing pinagkukunan ng Civet Coffee o ang kapeng mula sa dumi ng isang uri ng pusa na isa sa pinakamahal na uri ng kape maging sa ibang bansa man.
Ang mga taga-Kalinga ay mahihilig sa iba't ibang klase ng palamuti at abubot na nagpapakita ng makulay na kultura ng lugar. Bumisita kami sa ilang handicrafts stores tulad ng Kinwa Etnika kung saan matatagpuan ang mga produktong gawa ng mga taga-Kalinga tulad ng mga hinabing tela, mga hikaw at kwintas at iba pang lokal na produkto. Dito rin makikita ang mga kasuotang ng iba't ibang tribong nagmula sa Kalinga. Kung mga bags naman ang inyong hanap, maaring bumisita sa Praj's Pasalubong. Ipinagmamalaki ng mga ito ang tradisyunal na paghahabi na tanging sa kanilang lugar lamang matatagpuan.
Kung pagkain naman ang ating pag-uusapan, siguradong hindi papahuli ang Tabuk City dahil sa maraming klaseng pagkain ang maaari nyong matagpuan dito. Isa sa pinagmamalki nila ang Batil Patong na isang uri ng pancit na may halong gulay, karne ng kalabaw, chicharon at may itlog na nakapatong dito. Hinahaluan ito ng sabaw na siyang nagpapasarap dito. Ang batil patong ang siyang dinarayo sa 3M Panciteria at paboritong miryenda lalo na sa tag-ulan. Katakamtakam din ang Inandila na isang delicacy dito at ang Unoy Champorado. Natikman din namin ang Pinikpikan, isang pagkaing Cordilleran na binugbog muna ang manok bago ito pakuluan at lagyan ng sangkap.
Dahil nais naming maranasan ang night life sa Kalinga, nagpunta kami sa Ullalim Bar and Grill. Mga local artists ang nagtatanghal dito at nagbabahagi ng kanilang talento. Nang gabing iyon pala ay isang fundraising ang ginawa para sa isang batang nangangailangan ng tulong upang magpagamot. Nakakatuwang isipin na buhay na buhay pa rin ang diwa ng pagbibigayan at bayanihan dito. Nagsasaya na ang mga tao, nakakatulong pa sa iba.
Sa tuwing dinadaanan namin ang Canao Bridge, talagang napapamangha kami sa ganda ng tanawin na nakapalibot dito. Sa laki ng Chico River na pumapagita sa Barangay Calanan at Barangay Bulanao, ang Canao bridge ang siyang nagdudugtong dito. Ang lumang canao Bridge ay ngayong ginagawang rapelling site para sa mga adventure seekers.
Tuwing sasapit ang dilim ay masisilayan ang ningning ng Munisipyo ng Tabuk na bumibighani sa mga mata ng dumarayo dito. Dahil sa makulay na ilay na nakapalibot dito, nagiging pasyalan din ito ng karamihan. Pumaroon din kami sa Kapitolyo ng Kalinga. Makikita rito ang nakapalibot na magagandang tanawin, patunay ng pagaalaga ng mga taga-kalinga sa kanilang kapaligiran.
Patuloy ang pagpapanatili ng kayaman ng sining at kultura sa Kalinga. Sa katunayan, maging sa ngayon ay masisilayan pa rin ang makukulay na tradisyon dito na dati ay sa teksbuk lamang natin nababasa at nakikita. Patunay sa mayamang kulturang taglay nito ay si Wang-od na matatagpuan sa Buscalan na siyang natatanging babaeng mambabatok (tattoo artist). Dinarayo rin sa Kalinga ang iba't ibang festivals tulad ng Ullalim Festival, Matagoan Festival at Unoy Festival.
Ang St. Williams Cathedral ay isa sa mga pangunahing simbahan sa Tabuk City. Malaki rin ang naibabahagi nito sa mga turista dahil ito ang palatandaan ng iyong pagdating sa Tabuk City. Binisita rin namin ang St. Joseph Parish Church na siyang pinakalumang simabahan sa Kalinga at matatagpuan ito sa Barangay Naneng.
Mamangha sa laki ng Chico Diversion Dam na matatagpuan sa Sitio Ngipen, Barangay Calanan. Ito ay ang pangunahing structure ng CRIP o Chico River Irrigation Project (CRIP) na plinano noong taong 1962. Malakai ang kahalagahan nito sa lungsod dahil it ang nagbibigay elektrisidad at enerhiya sa lugar at maging patubig sa mga taniman. Isa ito ngayon sa pinupuntahan ng mga turista dahil sa ganda ng kaayusan nito habang dumadaloy ang tubig na nagmula sa Chico River.
By land:
From Manila, daily trips to Tabuk City are available via Victory Liner and Auto Bus Company. Fare is approximately 600.00 pesos. Travel time is 10-12 hours.
From Baguio City, night trips via Dangwa Liners and GL Trans are available. Travel time is 10-12 hours.
By air:
Fly to Tuguegarao, Cagayan and ride a jeep going to Tabuk City. Travel time from Tuguegarao to Tabuk is 1 hour.
Fly to Cauayan City, Isabela and ride a van/jeep going to Tabuk City.
Davidson Hotel and Restaurant
Provincial Highway, Purok Datu Bulanao, Tabuk
Kalinga, Philippines
Tel. No. (074) 872-2375
Ang tatlong araw ay sapat na sapat para lubusan naming maenjoy ang aming pananatili sa Kalinga. Ngunit nais pa naming bumalik dito upang marating ang iba pang lugar dito. Nais pa namin makilala si Wang-od ng Tinglayan, tumulay sa mga pilapil ng rice terraces ng Lubuagan at makita ang malilikhaing mga puntod sa Nambaran. Sana muli kaming makabalik dito. Sana sa masmadaling panahon.
*Gusto naming pasalamatai si Kuya Nelson at ang kanyang pamilya.