Related Article: Buto ni Kurakog: a journey to the tale of Bagamanoc, Catanduanes
1. Sinalpungan (Fried Carabeef Tripe)
Ang "Sinalpungan" ay isang sikat na pagkain sa Catanduanes at paboritong pulutan tuwing may inuman. Matuturing na kakaiba ito dahil nagmula ang pagkaing ito sa lamang-loob (parte ng bituka) ng baka o kalabaw na kung tawagin ay "libro". Niluluto ito sa pamamagitan ng paggisa at hinahaluan ng maraming sibuyas. Maikukumpara ang lasa nito sa isaw ngunit ito ay masmakunat, magaspang at may matapang na lasa ng laman-loob. Bakit hindi ito tikman sa isang sikat na restuarant sa Virac, ang Sea Breeze Restaurant.
Isa ring kakaibang pagkain ang matatagpuan sa Virac Hometel na kung tawagin ay "Sizzling Caracol". Ang pangunahing kasangkapan nito ay isang uri ng suso na matatagpuan sa gubat na kung tawagin ay "caracol". Hinihiwa ang laman nito sa maliliit na piraso at tinitimplahan upang magkalasa. Inihahain ito sa isang sizzling plate at isa na itong masarap na putahe.
Ang isang restaurant naman sa bayan ng San Andres ay tanyag dahil sa iba't ibang uri ng exotic food na matitikman dito. Maliban sa ahas at bayawak ay binibida din dito ang palakang bukid o sa Catandunganon ay "kabakab". Huwag mag-alala dahil ang palakang ito ay malinis. Hinuhugasan ito ng mabuti at binabalatan bago lutuin. Sa katunayan, kapag natikman ang palakang ito ay maihahalintulad ang karne sa manok dahil sa lambot at lasa. Ito naman ang ibinibida ng Paquito Farm.
Ang "Tayong" ay isang hayop sa karagatan na mayroong matatalim na tinik na nakapalibot sa buong katawan nito. Ito ay kadalasang iniiwasan dahil nakakasugat ito kapag nahawakan. Ngunit sa kabila ng nakakatakot na itsura nito, nanatili itong isang exotic food lalong lalo na sa Japan na tinatawag nilang "uni" at sa katunayan ay may kamahalan ang presyo nito. Ngunit, maaari mo itong matikman sa Catanduanes ng walang bayad. Iilan lamang sa mga taga-dito ang nakakaalam na maaring kainin ang dilaw na bahagi nito kapag biniyak. Kinakain ito ng sariwa at maaring budburan ng kalamansi o kaya suka. Malakrema na may pagkalansa (o lasang dagat) ito na parang may pumuputok sa bibig habang nilulunok.
Ang "kinunot" ay isang uri ng pagkaing Bicolano at maituturing na isang exotic food. Ang pangunahing kasangkapan dito ay ang karne ng pating na niluto sa gata. Hinahaluan ito ng dahon ng malunggay at ilang piraso ng sili bilang pampaanghang. Simula pa noon, paborito itong ulam ng mga Bicolano lalong lalo na sa Catanduanes.
Iba't ibang uri ng binurong isda o mastanyag sa ibang lugar bilang "ginamos" ang makikita sa Virac Public Market. Ilan sa mga kilala sa Catanduanes ay ang "hingmay o kuyog", "maripati" at "balaw" na nagmula sa binurong isda o kaya hipon. May hindi kaayaayang amoy ito na hinahalintulad sa bulok na isda. May maalat na lasa ito at kadalasang ginagawang ulam, sawsawan o kaya pampalasa sa ulam.
Makikita sa Catanduanes ang iba't ibang uri ng dinaing na isda. Bilang paraan ng pagpreserba sa mga isda, inaasinan ito at pinapatuyo sa pamamagitan ng pagbilad sa araw. Sa Virac Public Market ay makikita ang mga kakaibang isda na ginagawang tuyo at daing o tinatawag ng lokal bilang "badi". Sa mga hindi pamilyar dito, ang lasa nito ay maalat ay may hindi kaayaayang amoy. Kadalasang piniprito ito at paboritong ulam sa almusal ngunit maaari ding ihalo sa mga ginataang ulam bilang pampalasa.
Kung pili lang naman ang pag-uusapan, tiyak na marami niyan sa isla ng Catanduanes. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, maliban sa nuwes (nut) ng pili ay may pakinabang rin ang nakapalibot na parte nito. Binababad ang bunga ng pili sa mainit na tubig upang lumambot ito. Kapag lumambot na ito ay tinatanggal ang manipis na balat at saka kinakain ang malambot na bahaging nakabalot sa matigas na parte ng bunga. Kadalasang sinasawsaw ito sa patis o kaya binurong isda na kung tawagin dito ay "hingmay o kuyog." Maari mo rin itong isawsaw sa asukal upang gawing panghimagas. Sa unang tikim ay mayroon itong kakaibang lasa ngunit siguradong magugustuhan ito.
Ang Tilmok ay isang native food sa Bicol. Naiiba ang salin ng mga Catandunganon sa paggawa nito dahil hipon o "buyod" ang ginagamit nila bilang pangunahing sangkap. Hinahaluan ito ng buko at mga pampalasa at binabalot sa dahon ng Hagikhik bago ito pakuluan. Nagkakaroon ito ng kakaibang panlasa dahil sa oregano at sa dahong nakabalot dito.