Makulay at bonggang pagdiriwang ng Caracol Festival 2013 ang aming nasaksihan sa Makati City noong ika-24 ng Pebrero. Ito ang opisyal na festival ng lungsod na kung saan naglalaban-laban ang mga grupo ng estudyante at residente sa street dance competition.
Hindi na kailangan pang lumuwas ng ibang lugar para makadalo sa makukulay na festival dahil sa Makati City ipinagdiriwang taon-taon ang Caracol Festival na kung saan nagaganap ang labanan ng bawat grupo kung sino ang tatanghaling kampeyon sa street dance competition. Nagsimula ang festival sa makulay na parada na sinuyod ang bawat kalye sa Makati. Hindi maitago ang sayang dulot nito dahil makikita mo ang ngiti at saya sa bawat taong nakikisaya sa pagdiriwang na ito. Mapapindak ka rin kasabay ng mga Caracol dancers na tila walang pagod sa pagsayaw.
Kakaiba ang Caracol Festival dahil ipinagdiriwang ito para magpaalala sa atin ng ating mga tungkulin sa kalikasan. Nagpapakita rin ito ng pagtangkilik ng taong bayan sa ating sining at sa ating kultura. Ang bawat grupo ay nagpakita ng magarbong kasuotan na ginagaya ang mga hayop at halaman sa ating kapaligiran sabay hataw sa bawat kalampag ng mga tambol at tugtugin.
Pagkatapos ng parada at dumiretso ang lahat sa bagong bukas na Circuit Makati na matatagpuan sa Barangay Carmona. Dito ginanap ang street dance competition na kung saan ang bawat kalahok ay magpapakitang gilas sa pagsasayaw. Hindi mahulugang karayom ang stadium sa dami ng taong gustong masaksihan ang kompetisyon. Inabangan ng marami ang pagtatanghal ng bawat grupo dahil dito malalaman kung sino ang mananalo sa patimpalak na ito. Malakas din ang hiyawan ng lahat dahil isa sa mga hurado ay si Jhong Hilario, isang sikat na mananayaw, artista at host na isa ring residente ng Makati.
Gabi na ng matapos ang sayawan. At pagkatapos noon ay pinarangalan na ang mga nagwagi. Sa pagdiriwang na ito, hindi lamang ito ginaganap para pasiyahin ang mga tao kundi may masmalalim pa itong layon. Ito ay ang magpaalala sa ating mga responsibilidad sa kalikasan at ang Caracol Festival ay maging salamin kung gaano kakulay, kasaya at kabongga ang ating kapaligiran kung atin itong pangangalagaan.